Pitong pulis kinasuhan kaugnay ng ilegal na baril at paglabag sa gun ban matapos ang pamamaril kay Espinosa

Kinasuhan ng illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban ang pitong pulis na konektado umano sa pamamaril kay mayoral candidate Kerwin Espinosa sa Albuera, Leyte, ayon sa Leyte Provincial Police Office.

Sa isang press conference nitong Martes, kinumpirma ni Police Colonel Dionisio Apas Jr., provincial director ng Leyte PPO, na ilan sa 14 na baril na narekober mula sa mga pulis ay walang kaukulang papeles—kabilang na ang ilang rifle at pistol.

“Presently, itong pitong persons of interest… sila ay nasa administrative custody considering na may isinampa ng complaint sa kanila. So they will undergo administrative proceedings,” ani Apas.

Bagama’t hindi pinangalanan ang mga pulis, sinabi ni Apas na kabilang sa mga persons of interest ang isang police colonel, isang lieutenant colonel, isang staff sergeant, tatlong corporal, at isang patrolwoman.

“Persons of interest considering na hindi pa naman sila considered as suspects. So we are still in the process of ascertaining if meron silang particular involvement doon sa particular incident,” dagdag pa niya.

Isinagawa rin ang paraffin test sa mga pulis, at lumabas na negatibo ang lahat sa nasabing pagsusuri. Ngunit ayon kay Apas, positibo naman sa gunpowder residue ang lahat ng 14 na baril na isinumite para sa forensic testing.

“Based doon sa ni-request natin na forensic exam, it appears doon sa pito na persons of interest natin, during the conduct of the paraffin test, lahat po sila ay negatibo. However, as to gunpowder residue, sa lahat ng firearms, ito po ay positive,” paliwanag niya.

Nilinaw naman ni Police Lieutenant Colonel Vivien Malibago, hepe ng forensic unit, na ang paraffin test ay hindi sapat na basehan.

“I just want to clarify that the paraffin examination is not a conclusive examination. It does not mean that a negative result conclusively hindi nag-fire yung tao ng firearms,” ani Malibago.

Dagdag niya, maraming salik ang maaaring makaapekto sa resulta tulad ng pagsusuot ng gloves, haba ng baril, direksyon ng hangin, halumigmig, at edad ng baril.

Matatandaang binaril si Espinosa noong Abril 10 habang nasa isang campaign rally. Ayon sa ulat, nagmula ang putok sa isang hindi pa nakikilalang suspek na nakapwesto sa kisame ng entablado. Tinamaan si Espinosa sa kanang balikat, habang nasugatan din ang kanyang kapatid at isang menor de edad.

Naniniwala si Espinosa na may pulitikal na motibo ang naturang pag-atake.